NABIGO ang mga otoridad na dakpin si dating Maguindanao Board Member Datu Asnawi Jojo Limbona matapos na isilbi ng mga ito ang kanyang warrant of arrest sa kasong murder.
Sa ulat mula sa Police Regional Office ng Bangsamoro Autonomous Region o PRO BAR, tinungo ng mga myembro ng kapulisan sa pamamagitan ng DOS MPS na pinamumunuan ni Police Lieutenant Colonel Sahibon Mamantal ang address ni Limbona ngunit bigo ang mga ito na mahuli ang akusado.
Sa ngayon patuloy na pinaghahanap ng mga otoridad si Limbona at nagbaba na rin ng kautusan si Acting Regional Director Police Brigadier General Prexy Tanngawohn na gawin ang lahat ng hakbang upang madakip ito.
Nabatid na nag ugat ang murder case matapos ang bigong pagtatangka sa buhay ni DOS Mayor Lester S. Sinsuat ng Datu Odin Sinsuat kung saan sa kasamaang palad ay nagresulta sa pagkasawi ng isa sa kanyang mga police escort na si PSSG Zahraman Mustapha Dicolano noong January 2, 2024 sa Cotabato City.
Si Limbona ang itinuturong master mind sa pangyayari na dahilan upang ilabas ng korte ang nasabing warrant of arrest.
Sa naging pahayag ni Limbona nang ito ay makapanayam ng Brigada News FM Cotabato, sinabi nito na naibasura na ng piskalya ang kanyang kaso dahil umano sa kawalan ng ebidensya.