CAMARINES SUR – Nananawagan ang Commission on Elections Ocampo sa mga kakandidato sa 2025 Elections na kung maaari ay bawasan ang paggamit ng sobrang filter sa mga larawan lalo na kung ipapasa bilang opisyal na larawan na gagamitin sa pagsumite Certificate of Candidacy (COC)
Sa panayam ng Brigada News FM Naga kay COMELEC Ocampo Election Officer III Augusto Federis II, sinabi nitong maliban sa pag-obliga sa kanila na dapat updated ang kanilang larawan, kailangan din na maayos ito. Aniya, may iilan sa mga nagsumite ng COC noong mga nagdaang halalan na wagas kung gumamit ng filter sa kanilang larawan na halos hindi na sila makilala dahil magkaiba na ang nasa larawan kung ikukumpara sa personal na mukha.
Kamakailan lang, nagpalabas ng kahilingan ang COMELEC Central Office na kung maaari, ang ipapasa nilang larawan sa COC at gagamitin sa mga campaign materials sa darating na halalan ay kuha anim na buwan pa lang ang nakakalipas upang mapanatili ang pagiging updated ng kanilang records sakaling may nabago man sa kanilang pisikal na aspeto.