BNFM BICOL—Inanunsyo ng pamunuan ng First Catanduanes Electric Cooperative o FICELCO na nakatakdang magpadala ang naturang kooperatiba ng mga linemen sa ilang bahagi ng kabisayaan, upang tumulong sa restoration ng kuryente partikular sa mga lugar na lubhang naapektuhan ng pananalasa ng bagyong Odette.
Ayon sa FICELCO, sa ngayon ay hindi pa nila matukoy kung ilang mga linemen mula sakanilang kooperatiba ang ide-deploy sa Visayas dahil patuloy pa nilang isinasagawa ang pag finalize dito gayundin ang pag-ipon sa mga dadalhing relief goods bilang ayuda sa mga biktima ng bagyo.
Ang naturang hakbang ng kooperatiba ay bilang pagbabalik at pagtanaw ng utang na loob mula naman sa mga electric cooperatives sa Visayas na tumungo sa Bicol Region, upang tumulong sa power restoration nang manalasa ang Super Typhoon Rolly sa rehiyon noong nakaraang taon.
Matatandaan na Nobyembre noong nakaraang taon nang mag deploy ng 100 linemen ang 11 electric cooperatives mula sa Eastern Visayas papunta ng Bicol liban pa ang ilang mga linemen mula sa Mindanao.
Sa kasalukuyan, libo-libong pamilya pa rin sa Visayas at Mindanao ang walang suplay ng kuryente at hirap maging sa sapat na suplay ng tubig at pagkain. Batay sa pinakahuling ulat, umaabot na sa mahigit 20,000 na mga kabahayan ang winasak ng bagyong Odette nang manalasa sa bansa habang nag-iwan naman ito ng 208 casualties.###