Naglatag ng ilang mga qualifications si Liberal Party President Rep. Edcel Lagman para sa susunod na kalihim ng Department of Education (DepEd).
Ito ay matapos ngang mag-resign na si Vice President Sara Duterte bilang secretary ng DepEd, at bilang miyembro ng Gabinete ni Pangulong Bongbong Marcos.
Sa panayam ng Brigada News FM Manila kay Lagman, sinabi nitong naniniwala siya na ang susunod na education secretary ay dapat may magandang adbokasiya sa edukasyon, at marunong magpatupad ng maayos na education system ng bansa.
Samantala, tinawag naman ni Lagman na ‘long shot’ ang posibilidad na ibigay kay dating Vice President Leni Robredo ang naturang posisyon.
Palagay umano nito, hindi iaalok kay Robredo ang pagiging kalihim ng edukasyon.
Sakaling alukin man daw si Robredo para maging bagong education secretary, pag-aaralan umano ito ng Liberal Party.