Inimbitahan na ng House Committee on Human Rights si dating Pangulong Rodrigo Duterte na dumalo sa susunod na pagdinig hinggil sa war on drugs campaign ng nagdaang administrasyon.
Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng komite ngayong araw, nag-mosyon si Gabriela Party-list Representative Arlene Brosas na imbitahan sa susunod na pagdinig si Duterte pati na si dating Senadora Leila De Lima.
Nangyari ito matapos igiit ng resource persons tulad ni National Union of People’s Lawyers Secretary General Kristina Conti na sumusuporta sa umano’y human rights victims na si Duterte ang pinaniniwalaan nilang responsable sa mga serye ng pagpatay at dapat na panagutin.
Una rito, tinanong ni Human Rights Committee Chairman Bienvenido Abante Jr. si Conti at ang grupong Rise Up for Life and for Rights ukol sa posibleng pananagutan ng dating pangulo.
Inusisa rin ni Abante ang mga naulila ng drug war victims kung handa silang harapin si Duterte at ayon sa mga ito ay handa sila.
Itinakda ang susunod na pagdinig bukas, June 26.