Aminado ang Department of Labor and Employment (DOLE) Bicol na hanggang ngayon ay marami pa rin silang natatanggap na reklamo kaugnay sa mga empleyadong hindi nakatatanggap ng kanilang mga 13th month pay.
Sa panayam ng Brigada News FM Sorsogon kay DOLE Bicol Labor Information Officer Johana Gasga, sinabi nito na tuwing sumasapit ang buwan ng Disyembre ay kaliwa’t kanang reklamo pa rin ang natatanggap ng bawat Singel Entry Approach (SENA) Office sa bawat Provincial Office kung saan hindi pa rito kasama ang mga empleyadong hindi pa nakakapagsumite ng pormal na reklamo sa mga tanggapan ng DOLE office sa kada probinsya.
Patunay umano ito na marami pa rin na mga employers ang hindi sumusunod sa batas pagdating sa pagbibigay ng tamang benepisyo sa kanilang mga empleyado.
Pangako ng ahensya, hindi nila tatantanan ang mga pasaway na employer hangga’t makapagbigay ng 13th month pay sa kanilang mga empleyado. Kaugnay nito panawagan ng opisyal sa mga empleyado na huwag magdalawang isip na makipag -ugnayan sa kanilang mga tanggapan dahil lahat umano ng reklamo ay agad namang natutugunan ng kanilang ahensya.
