CAMARINES NORTE- Magkakaroon muli ng eleksyon sa pagka Board of Director ng Camarines Norte Electric Cooperative sa tatlong distrito makaraan ang ilang taon.
Batay sa anunsiyo ng naturang kooperatiba ng kuryente, gagawin ang eleksyon sa December 18, 2021 para sa pagka- director ng District V- Talisay- San Vicente, District VIII sa Capalonga at District IX sa Sta Elena.
Ang mga interesadong kumandidato bilang Direktor ay dapat magtaglay ng mga qualifications na nakasaad sa Republic Act No. 10531 at sa mga DOE Circular.
Ang mahaba- habang qualifications ay naka post sa official facebook page ng Canoreco.
Ang cut-off date ng pagsumite ng Certificate of Candidacy (COC) kasama ang mga requirements ay sa December 8.
Hindi naman pahihintulutan ang“proxy voting” at ang mga nakarehistro lamang sa masterlist of voters ang maaaring makaboto.
Ang mga qualified voter ay ang mga kasapi na ang membership ay naaprubahan ng Board of Directors hanggang noong September 18, 2021.
Pinapayuhan ang mga boboto para sa naturang eleksyon na tiyakin na nakatala ang pangalan sa Masterlist of Members ng CANORECO na ipapaskil sa mga barangay ng mga distrito.
Para sa mga hindi sinasadyang nawala ang pangalan sa talaan ng mga kasapi, ang inclusion at exclusion period ay mula November 28 hanggang December 7.
