Tinanggap na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang endorso ng Partido Demokratiko Pilipino – Lakas ng Bayan na tumakbo bilang pangalawang pangulo sa 2022 elections.
Sa isang pahayag, sinabi ng PDP-Laban na pumayag si Duterte na magsakripisyo at tumugon sa panawagan ng mga tao na tanggapin ang nominasyon sa kanya.
Una nito, nakipagpulong ang pangulo kay PDP-Laban president at Energy Secretary Alfonso Cusi, kasama ang iba pang miyembro ng partido at kay Presidential Assistant for the Visayas Michael Diño.
Sinabi ng ruling party na nakumbinsi ring tumakbo sa VP race si Duterte matapos ipresenta ang popular calls mula sa PDP Laban regional, provincial, pababa sa mga barangay councils na nagnanais na magkaroon ng transition sa liderato na mag-gagarantiya para pagpapatuloy sa mga programa ng administrasyon sa nakalipas na limang taon.
Matatandaan na sinabi ni Duterte na tatakbo siya pagka-pangalawang pangulo kung patuloy na magbabanta ang kanyang mga kritiko ng criminal charges sa oras na matapos ang kanyang termino sa June 30, 2022. // MHEL PACIA-TRINIDAD
