Iginiit ni Health Secretary Francisco Duque III na bumaba ang morale ng Department of Health (DOH) dahil sa report ng Commission on Audit (COA) na nakakita ng deficiencies sa paggamit ng ahensya ng P67.3 bilyong COVID-19 response fund.
Sa congressional hearing kaugnay ng COA report, sinabi ng kalihim na wala nang tulog ang mga health officials simula nang ilabas ng COA ang annual report na naglalahad na mayroong mga deficiencies sa utilization ng COVID-19 funds.
Ayon kay Duque, winarak ng COA ang dangal ng DOH at dapat ay kinunsidera ng komisyon na nag-ooperate ang ahensya sa ilalim ng state of public health emergency.
Tinawag ng health secretary ang COA report na ‘unfair’ at inakusahan ang state auditors na nagbababa ng hatol nang di binibigyan ang DOH ng sapat na oras para isumite ang rejoinder at aksyunan ang mga rekomendasyon.
Kasunod nito, nilinaw naman ni COA Chairperson Michael Aguinaldo na may sinunod na due process sa paggawa ng audit reports, kabilang na ang ilang meetings kasama ang concerned agency at isang exit conference.
Dagdag pa ni Aguinaldo, di naglabas ang COA ng adverse audit findings sa media.