CAMARINES NORTE- Nagpahayag ng kahandaan ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na tumulong sa Commission on Elections para sa gagawing Province wide Operation Baklas.
Sa text message sa Brigada News FM Daet, inihayag ni District Engineer Edwin Bermal na kung kakailanganin sila ng Comelec ay tutulong umano sila sa pamamagitan ng pagpapahiram ng kanilang gamit at kung mayroong available na truck.
Gayunman aminado si Bermal na kakaunti ang kanilang truck at palagi rin nilang gamit ang mga ito.
Sa mga nagdaang eleksyon ay palaging katuwang ng Comelec ang DPWH sa pagsasagawa ng Oplan Baklas.
Noong 2019 ay nagtalaga ang DPWH ng engineer sa iba’t- ibang bayan na nagsilbing focal person.
Bukas, March 30 ay ikakasa ng Comelec sa Camarines Norte ang Oplan Baklas para tanggalin ang mga campign poster na taliwas sa tamang sukat na itinatadhana ng poll body, maging ang mga poster at tarpaulin na hindi nakalagay sa common poster area.
Batay ito sa Memorandum ni Camarines Norte Provincial Election Supervisor Atty. Noriel Badiola.
Sabayan itong gagawin ng Comelec Task Force sa iba’t- ibang bayan.
Ang Operation Baklas ay alinsunod sa Republic Act 9006 o Fair Election Act na ipinapatupad sa pamamagitan ng Comelec Resolution No 10730 at iba pang umiiral na Memorandum.
Noong nakaraang buwan ay nagpalabas ng Temporary Restraining Order ang Supreme Court kontra sa Oplan Baklas.
