SORSOGON CITY – Binuksan na noong nakaraang linggo ang ‘state of the art’ Doppler Radar ng PAGASA sa Kalasangan Hills sa Cataingan, Masbate.
Sa pahayag ni DOST Secretary Renato Solidum Jr., ang Doppler Radar na matatagpuan sa Brgy San Isidro ay kayang matagalan ang intensity 8 na lindol at anumang malakas na bagyo.
Ayon pa sa opisyal, dahil ang Cataingan Doppler Radar ay isang dual-polarimetric radar, may kakayahan ang nasabing pasilidad na makapagbigay ng tumpak na datos at pagtataya ng panahon hindi lamang sa bayan ng Cataingan kundi sa buong rehiyong ng Visayas.
Ang Doppler radar umano ay may kakayahang mag-scan at magmonitor ng ulap at ulan hindi lamang sa Masbate kundi pati na rin sa erya ng Sorsogon, Davao at buong rehiyong ng Visayas at magbibigay-daan sa ‘nowcasting’ kung saan madaling matukoy at masubaybayan ang paparating na bagyo.

Kapaki-pakinabang din umano ang naturang kagamitan para sa ibang aplikasyon katulad ng pag-detect ng rain cloud na ginagamit sa cloud seeding upang magdulot ng ulan, sa ganitong paraan ay mapapagaan ang epekto ng El Nino.
Gamit din ang nasabing Doppler radar, matitiyak nito ang suplay ng tubig para sa irigasyon at agrikultura at maiiwasan na ang kakulangan sa tubig.
Bukod dito, ang Doppler radar Station ay maaari ring magbigay ng impormasyon sa Phivolcs sa aktibidad ng abo ng bulkan.
Nabatid na ang Cataingan Doppler Radar Station ay naging posible dahil sa PAGASA Modernization Act.