BICOL—Ipinag-utos na rin ni Justice Secretary Menardo Guevarra sa National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan ang pagkakapaslang sa dalawang aktibista sa bayan ng Guinobatan, Albay.
Sa Department Order (DO) No. 175, inatasan ni Guevarra si NBI OIC-director Eric Distor na ipabusisi ang pagkasawi nina Marlon Napier, 38-anyos at Jemar Palero, 22-anyos nitong Lunes, Hulyo 26.
Pinasusumite ng DOJ si Distor ng report hinggil sa takbo ng imbestigasyon sa loob ng sampong araw.
Una rito ay ipinag-utos ni Philippine National Police (PNP) chief, Gen. Guillermo Eleazar sa Internal Affairs Service (IAS) na imbestigahan ang mga pulis na sangkot sa pagkasawi ng dalawa.
Magugunita na Lunes ng umaga nang mapaslang sina Napier at Palero matapos umanong manlaban sa mga pulis nang sitahin ang mga ito dahil sa pag spray ng anti-Duterte slogan sa tulay ng Barangay Lower Binogsacan, sa bayan ng Guinobatan.
Una na ring inihayag ng PNP na dumipensa lamang sila matapos unang magpaputok ng baril ang dalawa.###
