Iniimbestigahan na ng Department of Justice kung may sapat na permit ang naging paglabas ng detainee na si Jad Dera mula sa NBI detention facility noong Martes ng gabi.
Si Dera ay kapwa akusado ni Sen. Leila De lima sa kinakaharap na drug case.
Ayon kay DOJ ASec. Mico Clavano, pumunta umano si Dera sa Makati para makipagkita sa ilang tao na di na niya pinangalanan ng DOJ.
Samantala, kabilang din sa titingnan ng DOJ kung may nangyaring sabwatan sa pagitan ng mga tauhan ng NBI at ng naturang high profile detainee.

Dahil sa insidente, inalis na sa pwesto ang hepe ng NBI Security Management Section.
Samantala, nilinaw naman ng abogado ni Dera na si Atty. Raymund Palad na lumabas ang kanyang kliyente sa pasilidad para umano magpatingin sa doktor dahil masama ang kanyang pakiramdam.
Gamit pa aniya nila ang marked vehicle ng NBI kaya ikinagulat ng kaniyang kliyente ang pangyayari. Handa naman nilang sagutin ang anumang alegasyon at imbestigasyon.
Itinanggi rin ng kampo ni Dera na may anuman silang kaugnayan kay Rep. Arnolfo Teves Jr.//CA