CAMARINES SUR – Nasa 83% pa lang ng populasyon sa Camarines Sur ang nagagawan at nabibigyan ng National ID kung saan bahagyang malayo pa ito sa target nilang 93% na binubuo ng 1.6 million na mga indibidwal.
Kinumpirma ito sa Brigada News FM Naga ni Raul Bong Aspe, Supervising Statistical Specialist ng Philippine Statistic Authority (PSA) Camarines Sur. Kabilang sa 10% na kulang upang maabot ang target na 93% ang mga batang nageedad isa hanggang limang taong gulang at karamihan dito ay ang mga nasa rural area. Kaugnay nito, tinitiyak naman nila na mayroong maayos na satellite registration area sa bawat bayan upang maaccomodate ang lahat ng mga nais magparehistro.
Samantala, maaari na ring gamitin ang digital ID kung hindi pa rin natatanggap ang physical national ID. Walang dapat ikabahala kung digital ID lamang ang maipepresenta sa mga government agencies at iba pang pwedeng panggamitan nito dahil tinatanggap na nila ito sa mga transaksyon man ng pribadong ahensya o sa gobyerno, maging sa domestic flights.
Sa ngayon nasa 89 million pa lamang sa buong Pilipinas ang nairehistro sa Philippine Identification System at nabigyan ng pambansang pagkakakilanlan, bahagyang malayo pa sa target na 92 million.