NAGA CITY – Hindi nakakasiguro ang mga kandidato sa Barangay at Sk Elections na napadalhan ng show cause order na ligtas na sila sa disqualification case dahil wala pang inilalabas na pinal na desisyon ang Commission on Election Central Office, ayon ito kay COMELEC Naga Officer Atty. Maico Julia Jr.
Sa ngayon tanging ang show cause order muna ang tinanggap ng mga violators na kung saan pinagpaliwanag lamang sila sa ginawang paglabag sa kabila ng mga ginawang abiso at paalala ng komisyon.
Batay sa paliwanag ni Julia, hinihintay nila ang desisyon ng Central Office kung kakasuhan ang mga ito o hindi, kaya nakikiusap sila sa mga kandidato na sana ay sundin ang tamang paraan sa pangangampanya, ang tamang sukat ng campaign materials at ang tamang common poster area.
Iwasan din ang vote buying o ang pamimigay ng anumang gamit o pera kapalit ng boto, lalo na ngayong nasa huling araw na ng pangangampanya, na diumano’y may mga gapangang mangyayari sa mga bahay-bahay.
Bukod diyan nagpaalala din ang COMELEC na liquor ban na bukas at sa araw ng Linggo at Lunes, ibig sabihin, bawal na ang bumili at uminom ng alak.