Iginiit ni Puerto Princesa City Information Officer Richard C. Ligad na kalokohan ang inihayag ni leobert Dasmariñas sa pamilyang Galleno kung saan idinawit ang opisyal sa kontrobersyal na pagkawala na si Jovelyn Galleno.
Ang opisyal ay idiniin ni Leobert na nagdikta umano ng mga sasabihin tungkol sa kaso at si Ligad din daw ang isa sa “nang- torture” habang siya’y nasa kustodiya ng city Police.
Sa panayam ng Banat Brigada sa opisyal, sinabi nitong hindi niya alam kung bakit iniugnay siya sa kaso gayong dalawang beses niya lamang itong nakita mula nang sumuko at arestuhin.
Dagdag niya, ang “dispose” remark niya habang kinakausap si Leobert ay dala lamang ng pagkainis nang ituro nito ang lawa kung saan itinapon ang cellphone ng dalaga matapos gawin ang krimen.
Samantala, sa kabila ng alegasyon ay wala umanong plano ang Anti Crime task force Director na kausapin ang pamilyang Galleno at wala pa rin siyang planong balikan ng kaso si Dasmariñas.