Tiniyak ni Interior Sec. Benhur Abalos Jr., ang hustisya sa pagpatay kay South Upi, Maguindanao del Sur Vice Mayor Roldan Benito at kanyang pamangkin kahapon ng hapon.
Sa isang pahayag, mariing kinondena ni Abalos ang nangyaring pag-ambush at pagpatay sa mga biktima.
Inatasan na rin ng kalihim ang Philippine National Police na mahigpit na pakikipag-ugnayan sa militar upang tugisin ang mga suspek at matukoy ang utak sa krimen.
Nagpaabot na rin ng pakikiramay ang DILG sa pamilya ng mga biktima.
Batay sa ulat ng South Upi Municipal Police Station sa Polcie Regional Office Bangsamoro Autonomous Region, naganap ang insidente pasado alas-5 ng hapon sa sa Sitio Linao, Barangay Pandan.
Nabatid na pauwe na ang mga biktima nang biglang tambangan ang kanilang sasakyan ng hindi pa tukoy na mga suspek na nagresulta sa agarang pagkasawi ng mga biktima.
Maliban dito, sugatan din ang asawa ng bise alkalde na si Analyn Benito, Barangay Chairwoman ng Barangay Panda, at kanilang labing-isang taong gulang na bata.
Maswerte naman na nakaligtas sa ambush ang isa pang anak ng bise alkalde.