Muling iginiit ng Department of Interior and Local Government na hindi pinapayagan ang mga barangay tanod at iba pang police auxiliary units na magdala ng armas habang naka-duty.
Ginawa ni Interior Secretary Eduardo Año ang pahayag matapos maaresto si barangay tanod Cesar Panlaqui sa madugong pamamaril kay Eduardo Geñoga, 59-anyos, magbabasura na umano’y may problema sa pag-iisip, dahil sa paglabag sa curfew sa gitna ng ipinapatupad na enhanced community quarantine sa capital region.
Kaugnay nito, naghain na ang Manila police ng kasong murder laban kay Panlaqui.
Ayon kay Año, kinikilala umano nila na ang mga barangay tanod ay mayroong complementary role sa local authorities sa pagpapanatili ng kaayusan sa kani-kanilang mga kumunidad, pero mariin umano nilang inuulit na hindi otorisado ang mga ito na magdala ng anumang armas sa pagsasagawa ng kanilang tungkulin, kahit na pagmamay-ari pa nila ito.
Paliwanag DILG chief na ang “The Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act” ang nagtanggal sa kapangyarihan ng mga police auxiliary units, kabilang na ang mga barangay tanods na magdala ng armas na una nang pinapayagan sa ilalim ng Circular 2008-013 ng National Police Commission. // MHEL PACIA-TRINIDAD
