Matapos ang tatlong oras na pagdinig – nakalusot din sa panel ng Commission on Appointments si Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary Ivan John Uy.
Bago pa man maaprubahan ng makapangyarihang Kumite ang kanyang ad interim appointment, inisa-isa ng mga Kongresista ang plano ng Kagawaran para sa pagpapabuti ng telecommunications, connectivity at IT sector sa bansa.
Kabilang sa mga inilatag ni Uy ang ang posibilidad ng pakikipag-partner sa mga pribadong sektor ng local government units (LGUs) para mapabilis ang implementasyon ng National Broadband Program.
Sinabi ni Uy na prayoridad nila ang pagkakaroon ng connectivity sa mga remote areas.
Ibinalita rin ng Kalihim ang paglarga ng first phase ng internet project na napagkasunduan ng pamahalan at ng Meta/Facebook.
Sa ilalim nito, maglalatag ng cable landing system sa iba’t ibang bahagi ng bansa para magkaroon ng 2 terabits per second (Tbps) connectivity.
Ayon sa Kalihim, unang maco-cover ng first phase ng proyekto ay mula Laoag hanggang sa Quezon City at maaaring matapos sa kalagitnaan ng susunod na taon.
Mula Metro Manila naman hanggang Bicol Region ang phase 2 ng programa.
#
Confirmation hearing naman ni DTI Secretary Alfredo Pascual, sinuspinde dahil sa kakulangan ng oras
Hindi na-kumpirma ng makapangyarihang Commission on Appointments si Trade Secretary Alfredo Pascual.
Naghain ng motion to suspend si Majority Leader LRay Villafuerte para suspendehin ang pagdinig sa ad interim appointment ng kalihim dahil sa kakulangan ng oras.
Nakatakda na kasing magumpisa ang plenary session ngunit marami pang mga nais tanungin ang Kongresista sa Kalihin.
Kabilang sa mga naungkat na isyu ay ang concerns sa Philippine Economic Zone Authority o PEZA – isang attached agency ng DTI.
Ayon kay Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel, isang ‘Tereso Panga’ raw ang nagpatalsik at nag-demote ng ilang mga empleyado ng PEZA.
Inaasahang ipagpapatuloy ang pagsisiyasat sa isyung ito sa susunod na confirmation hearing ng CA panel.
#
