Ipinauubaya na ng Armed Forces of the Philippines (AFP) Western Command sa National Task Force on the West Philippine Sea ang pagsasampa ng reklamo laban sa China Coast Guard.
Ayon kay AFP WesCom Spokesperson Major Cherryl Tindog, pormal nang inireport ng AFP WesCom ang insidenteng nangyari sa PAGASA Island sa pagitan ng Philippine Navy at China Coast Guard.
Samantala, tumanggi naman siyang magbigay ng pahayag kung harassment ba na maituturing ang nangyari, ito ay dahil NTF na rin ang gagawa ng assessment ukol rito.
Sa pahayag naman ni AFP WesCom Commander Vice Admiral Alberto Carlos, sinabi nitong inagaw ng China Coast Guard ang isang floating object na nasa posisyon na ng mga tauhan ng Philippine Navy.
Narekober umano ng Navy ang floating object na nasa 800 metro ang layo mula sa Pag-asa Island at hinihila pabalik sa Naval Station Emilio Liwanag bandang alas-6:45 ng umaga kahapon.
Bigla umanong hinarangan ng China Coast Guard ang Navy at agad umanong nag-deploy ng kanilang mga tauhan.
DFA, tiniyak ang full review
Inihayag ng Department of Foreign Affairs na aware umano sila sa insidente.
Ayon kay DFA spokesperson Ma. Teresita Daza, na hinintay pa nila ang detalyadong ulat mula sa maritime law enforcement agencies, bago gumawa ng dagdag na komento.
Ang insidente ay nangyari ilang oras bago lumapag sa Manila si United States Vice President Kamala Harris para sa three-day visit.
#