Pinaghahandaan na ngayon ng Department of Education (DepEd) sa lalawigan ng Camarines Norte ang malawakang pagbabakuna sa kanilang mga personnel
Ngayong July 12- 16, 19- 23 ay magkakaroon ng Division Virtual updates on National Vaccine Operation Center, master listing and profiling of Teaching and Non- Teaching personnel .
Ito ay upang matugunan ng Health Section ng DepEd ang mga katanungan ng kanilang mga personnel at kung mayroon pang agam- agam ang mga ito hinggil sa bakuna.
Ayon kay Dr. Lirio Palencia, Head ng Health Section ng Division Office, bago pa man ang nakatakdang pagbabakuna sa mga guro ay aktibo na umano ang departamento sa kanilang pakikilahok sa vaccination program ng gobyerno.
Sa katunayan aniya ay ilan sa kanilang mga nurse at miyembro ng school health personnel ay kasama sa vaccination team ng mga Rural Health Units.
Katuwang din umano ang DepEd sa advocacy program ng gobyerno upang mahikayat ang publiko na magpabakuna.
Palagi rin umano nilang ipinaalala sa kanilang mga personnel ang kahalagahan ng bakuna anuman ang brand nito.
Sa kabila nito, wala raw pilitan ang pagbabakuna sa halip ay patuloy umano ang kanilang panghihikayat na magpabakuna dahil hindi magiging ligtas ang lahat hangga’t hindi pa nababakunahan.
“Parati po natin sinasabi it doesn’t matter kung ano ang vaccine kung saan nanggaling, kung sino ang nag- manufacture ang imporatnte po pare- parehas po ito na nakaka prevent ng severe disease, yun po ang pinaka importante,” ani Palencia sa programang DepEd hour.
Adbokasiya umano ng departamento na lahat mabakunahan upang maging ligtas ang lahat at makabalik na sa normal na pamumuhay.
Batay sa priority lists kabilang ang mga guro sa B1 kung kaya’t hinihimok ang mga ito na mag register na.
Nagpapatuloy naman ngayon sa lalawigan ang pagbabakuna sa mga nasa A2 at A3 priority.
Aminado ang Provincial Health Office (PHO) na kulang talaga ang mga dumarating na suplay ng bakuna.

