Deped, nakatakdang idaos muli ang Palarong Pambansa ngayong taon

Inanunsyo ng Department of Education na nakatakda muling idaos ang Palarong Pambansa ngayong taon,
Matapos ang tatlong taong pagkahinto dahil sa Covid-19 pandemic.

Sa isang pahayag, sinabi ng DepEd na magaganap ang 2023 Palarong Pambansa mula July 29 hanggang August 5 sa Marikina City.

Anang DepEd, ang local government unit (LGU) ng Marikina City, DepEd-National Capital Region (NCR) Office, at Schools Division Office (SDO) ng Marikina City ang nakatakdang maging host ng naturang edisyon ng scholastic multi-sport competition.

Batay sa DepEd Memorandum No. 5, s. 2023 o The Conduct of the 2023 Palarong Pambansa, ang Division Meets ay isasagawa mula Pebrero 6 hanggang 10 habang ang Regional Meets naman ay isasagawa mula Abril 24 hanggang 28, alinsunod na rin sa rekomendasyon ng Palarong Pambansa Secretariat.

Bukod pa rito, ipakikilala rin ang karagdagang tier na tinatawag na Pre-National Qualifying Meet upang mabawasan ang bilang ng mga delegasyon, mapaikli ang takbo ng patimpalak, at mabawasan ang gastusin nang hindi nasasakripisyo ang laro.

Ayon sa DepEd, tanging ang mga team sports tulad ng baseball, basketball, football, futsal, sepak takraw, at volleyball ang itatampok sa bagong tier na nabanggit. Gagamitin sa measurable sports tulad ng athletics, swimming, at archery ang qualifying distance, time, at points na itinakda ng Palarong Pambansa.//CA