Nagpaalala ang Department of Education (DepEd) sa lahat ng mga guro kaugnay ng mga dapat at hindi dapat kasangkutan ng mga ito sa nalalapit na halalan.
Sa Laging Handa Public Briefing, ipinaliwanag ni DepEd Undersecretary Revsee Escobedo na may memorandum na silang ipinalabas hinggil dito na alinsunod sa ilang umiiral na batas.
Ayon kay Escobedo, nakasaad sa 1987 Constitution na walang officer o empleyado ng Civil Service ang dapat na makisali, direkta man o hindi sa anumang election hearing o partisan political activity.
Ganito rin aniya ang nakasaad sa Executive Order 292o Administrative Code of 1997 kung saan bawal gamitin ang kanilang kapangyarihan o awtoridad sa pangiimpluwensya ng ibobotong kandidato.
Salig naman aniya sa Republic Act 6173 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees na dapat manatiling neutral ang lahat ng opisyal at kawani ng pamahalaan.

Sa ilalim naman aniya ng Republic Act 7160 o Local Government Code of 1991, nakasaad na ipinagbabawal ang pakikisangkot, direkta man o hindi ng mga lokal na opisyal sa partisan political activities, subalit pwede pa rin silang maglabas ng kanilang pananaw sa ‘current issues’. (CLAY MARQUEZ)
#