LEGAZPI CITY – Pinakabagong inobasyon ang inilunsad ng Department of Education (DepEd) Bicol at Educo na isang learning app at Marungko Workbook para sa mga mag-aaral sa Bicol region para sa kanilang digital education.
Bilang bahagi ng kanilang estratehiya, nakaangkla ito sa kanilang (3Bs) campaign na ang Bawat Bata Bumabasa at lokal na bersyon ng Bawat Batang Bicolano Bihasang Bumasa (5Bs) campaign sa ilalim ng programa ng nasabing tanggapan.
Naglalayon itong hikayatin ang mga mag-aaral mula sa Grade 4-6 na hindi marunong bumasa at sumulat na makibahagi sa aktibidad upang matulungan sila sa kanilang pag-aaral.
Kung matatandaan, inilunsad ang app noong Marso 16, 2022 sa isinagawang Regional Brigada Eskwela at Brigada Pagbasa Awarding Ceremony at stakeholders Appreciation sa Malilipot, Albay.
Dagdag pa rito, binuo ng mga guro, graphic artist at technical adviser sa mga school division ng Albay, Sorsogon at Catanduanes ang naturang app.
Maliban dito, ang Educo Learn app ay available na sa Google Play Store na ma-download sa mga android phones.