Legazpi City- Isinusulong ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR Bicol ang “departmentalization” upang mabigyan ng sapat na budget para sa mga nasasakupan nito.
Ayon kay Nonie Enolva, ang Regional Spokesperson ng BFAR Bicol, bagama’t malaking sektor ang fishery ay maliit lamang na budget ang naibibigay sa kanilang tanggapan kung kaya’t itinuring itong poorest cousin ng Department of Agriculture (DA).
Kung sila umano ang tatanungin ay kulang na kulang ang budget na ibinibigay sakanila lalo na sa kasalukuyang panahon.
Ito ay alinsunod sa sinabi ni Senator Cynthia Villar na ang 6 billion budget mg BFAR ay hindi umano naramdaman ng mga mangingisda pagdating sa suporta at asestensya para maging produktibo.
Isa ang Bicol Region sa may mga pinakamaraming fishing ground sa bansa at ang nasabing ahensya ay may iba’t ibang programang inihahain para sa mga mangingisda kagaya na lamang ng aquaculture project, distribusyon ng fish fingerlings, mga bangka at iba.
Hinihikayat rin ng opisyal ang lahat ng mangingisda na magrehistro sa registry system upang mapabilang sa mga lehitimong mangingisda na nakatatanggap ng subsidy galing sa iba’t ibang programa ng ahensya.