NAGA CITY – Tila hindi alintana o talagang hindi naniniwala ang ilang mga magulang sa Naga City sa pinangangambahang mas nakamamatay na delta variant ng COVID-19?
Patunay nito ay maraming mga bata pa rin ang nakikitang nasa labas ng bahay, naglalaro o gumagala lalo na sa mga eskinita ng mga barangay.
Nagagalit pa umano ang mga magulang sa mga barangay tanod o barangay opisyal na sumisita sa mga bata na kung minsan ay nauuwi sa diskusyon o away ang senaryo.
Isa sa nakakaranas ng ganitong sitwasyon ay si Triangulo Punong Barangay Allan Beriso at ang kanyang mga kasamahang barangay tanod na regular na nagro-ronda sa mga eskinita ng kanilang barangay.
Sa pahayag sa Brigada News FM Naga ni Kapitan Beriso, sinabi nitong nakakalungkot ang sitwasyon dahil sa kabila ng babala,mga paalala nila o ng city government ay marami pa ring mga violators sa kanilang barangay.
Problemado sila dahil sa matitigas ang ulo ng mga magulang at matatapang pa.
Napag-alaman nina Beriso na may mga batang nagkakasakit sa kanilang barangay, subalit hindi nagre-report sa kanila at nagse-self medication na lamang ang mga ito dahil ayaw magpadala sa ospital.