Nanawagan si House Quad Committee Chairman at Surigao del Norte Representative Robert Ace Barbers na i-review ang pagbabalik ng parusang kamatayan para sa heinous crimes sa bansa.
Sa ika-pitong quad committee, sinabi ni Barbers na naging urong-sulong na pagdating sa usaping death penalty sa mga nakalipas na panahon kaya lalong sumama ang sitwasyon ng kapayapaan at kaayusan kung saan hindi na natatakot ang mga kriminal.
Bukod dito, lantaran na rin aniya ang pagpatay na tinatawag na extrajudicial killings.
Binigyang-diin ni Barbers na ang mga naisiwalat na drug-related EJKs sa ilalim ng administrasyong Duterte ay bunsod umano ng financial incentives kung saan nakatatanggap ng gantimpala ang mga pulis para sa bawat napapatay basta’t may label na drug personality.
Nais din nito na maipasa ang mga reporma na layong sugpuin ang mga sindikato, panagutin ang mga tiwaling opisyal at ibalik ang kapayapaan sa bansa.
Kaya naman inilatag ng kongresista ang mga batas na kailangan nang amiyendahan upang solusyunan ang ugat ng kriminalidad.
Kabilang dito ang pag-amiyenda sa Cybercrime Law upang tugunan ang isyu ng online gambling at investment scams, amendments sa Anti-Money Laundering Act, Revised Corporation Code, Local Government Code, Land Registration Act at birth regisration laws.