Dating action star na si Dante Varona, walang nami-miss sa Pilipinas

Inamin ng dating action star na si Dante Varona na wala itong nami-miss sa Pilipinas matapos niyang manirahan sa Amerika sa loob ng tatlong dekada.

Inihayag ito ni Dante sa interview nito na kasama sina Ruffa Mae Quinto at LJ Moreno na inupload sa Youtube.

Ayon kay Dante, 67-anyos,  hindi na rin niya nami-miss ang showbiz.

Ipinunto rin niya na meron mga gustong kumuha sa kaniya noon ng mga “nagti-tripping mag-produce,” ngunit hindi siya pumayag dahil retirado na siya.

Ipinaliwanag rin niya na kaya siya umalis sa Pilipinas noon ay dahil naging magulo ang industriya ng pelikula sa Pilipinas na dahilan para hindi mapansin ang kaniyang maliit na production outfit noon na kaniyang tinawag bilang “Bathala Films”.

Naikwento naman ni Dante na una niyang pinasok ang janitorial services sa Amerika sa tulong ng mga Pilipino na nakakilala sa kaniya habang naging security guard rin siya na ang trabaho lang noon ay “observe and report” dahil pinagbawalan sila na humawak ng baril.

Si Dante ay kilala noong ’70s at ’80s dahil sa kaniyang daan-daang pelikula at bilang kasabayan nina Rudy Fernandez at Lito Lapid.

Naging tanyag siya noon sa paggawa ng sarili niyang stunts na dahilan kung bakit siya nabansagan bilang “King of Stunts”.