Patay ang dalawang pulis sa Mabalacat city, matapos pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang suspek kaninang madaling araw.
Kinilala ang mga biktima na sina Police Staff Sergeant Dominador Gacusan Jr at Police Master Senior Sergeant Sofronio Capitle Jr, pawang mga myembro ng Drug Enforcement Unit ng Mabalacat city police station.
Sa inisyal na ulat ng pulisya, kagagaling lang ng dalawang pulis mula sa isang anti-illegal drug operation at habang pauwi sakay ng motorsiklo, bigla silang pinaputukan ng mga suspek na naka buntot sa kanila sa bahagi ng South Daang Bakal rd sa bgy Dau.
Binaril pa umano sa malapitan ang dalawang pulis kahit naka bulagta na ang mga ito.
Nasa lima umano ang mga suspek, sakay ng dalawang motorsiklo, pawang naka bonnet at longsleeves.
Samantala agad namang nagkasa ng dragnet operation ang pulisya sa buong Pampanga para sa agarang pagkadarakip ng mga suspek.
Kaugnay nito iniutos na rin ni Police Regional Office 3 Director PBGen Cesar Pasiwen ang malalimang imbestigasyon sa naturang krimen.
