Handa nang sumabak sa nalalapit na Palarong Pambansa ang 13-anyos na dalagita mula sa Butucan, Nasugbu, Batangas na gold medalist sa track and field event.
Siya si Cathearine Salba, isang Grade 7 student sa Malapad na Bato National High School.
Sa panayam ng Brigada Batangas kay Catherine, sinabi niyang nagsimula siyang magkainteres sa ganitong sports partikular ang pagtakbo noon lamang Grade 6 siya.
Una raw niyang nilahukan ay ang high jump ngunit nabigo siya at ngayon, running naman ang kanyang tinatahak.
Matapos masungkit ang gintong medalya at manalo sa Regional Meet, nag-qualify siya sa 3000 meter-run sa Palarong Pambansa.
Paspasang pag-eensayo at pagpapalakas ng katawan ang kaniyang ginagawang paghahanda para sa darating na laban sa tulong ng kaniyang Coach Yourke Tamayo.
Aniya, inspirasyon niya ay ang kanyang pamilya at mga kaibigan dahil sila ang nagbibigay ng lakas ng loob para siya’y magpatuloy sa paglalaro.
Mensahe niya sa kaniyang kapwa kabataan na mga manlalaro, ipagpatuloy lamang ang paglalaro at huwag panghinaan ng loob at higit sa lahat ay magtiwala palagi sa Panginoon.