Dagdag-sahod sa mga guro, inihirit ng isang kongresista kasunod ng pagsasabatas sa teaching supplies allowance

Nanawagan si House Deputy Minority Leader France Castro sa gobyerno na gawin namang prayoridad ang pagtaas sa suweldo ng mga guro matapos malagdaan ang batas na nagkakaloob ng teaching supplies allowance.

Ayon kay Castro, unang hakbang pa lamang ang “Kabalikat sa Pagtuturo Act” dahil ang susunod na dapat pagtuunan ng pansin ay ang sahod ng mga guro na matagal nang napag-iwanan.

Punto nito, hindi na gumalaw sa loob ng ilang taon ang suweldo ng teachers samantalang ang mga matataas na opisyal ng pamahalaan gaya ng mga nagtatrabaho sa Bangko Sentral ng Pilipinas ay lumobo ang mga tinatanggap na kompensasyon sa nakaiinsultong antas.

Hindi aniya katanggap-tanggap na nagsasaya sa malaking sahod ang BSP executives habang mababa pa umano sa poverty line ang ibinibigay sa mga guro kaya panahon na para tutukan ang pundasyon ng education system.

Muli namang ipinanawagan ng kongresista na itaas na sa 50,000 pesos ang entry-level pay ng mga guro sa pampubliko at pribadong paaralan; 33,000 pesos sa salary grade 1 employees, SG16 para sa Instructor 1 sa state universities and colleges at 33,000 pesos na national minimum wage.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *