Itinanghal bilang Outstanding Regional Field Office sa buong bansa ang DA Regional Field Office 2 kung saan personal na tinanggap ni DA Cagayan Valley Regional Director Narciso Edillo ang nasabing parangal.
Sa nakuhang impormasyon ng 92.9 Brigada News FM Cauayan, ginanap ang awarding sa DA Central Office, Diliman, Quezon City noong June 23, 2021 kung saan personal na ibinigay ni Secretary William D. Dar ang nasabing parangal.
Sa ibinahaging pahayag ni RD Edillo ay pinasalamatan niya ang mga magsasaka, mangingisda, stakeholders at partners ng ahensiya na kinabibilangan ng mga local na pamahalaan, unibersidad at kolehiyo maging ang mga nasa pribadong sector na katuwang ng ahensya upang maisakatuparan ang kanilang mga proyekto.
Kikilalanin naman ng DA RFO 02 ang naturang mga ahensiya na tumulong upang makamit ang masaganang ani at mataas na kita sa rehiyon kasabay ng selebrasyon ng ika – 123 anibersaryo ng DA sa lunes.
Magugunita na una nang binigyan ng ahensiya ang mga natatanging magsasaka, mangingisda at farmers cooperatives and association ng pagkilala sa kanilang ambag upang magkaroon ng sapat na suplay ng pagkain ang lambak ng Cagayan sa ginanap na Farmers and Fisherfolk Month noong Mayo.