CAMARINES NORTE- Sumampa na sa 196 ang bilang ng mga tinamaan ng Covid-19 sa lalawigan ng Camarines Norte sa loob lang ng limang buwan nitong 2023.
Nalagpasan na nito ang bilang ng mga naitalang kaso sa buong taon ng 2020 o sa unang taon ng pandemya na nasa 149 batay sa tala ng Provincial Health Office hanggang ngayong araw, June 2, 2023.
Dahil dito umaabot na sa 4, 834 ang kabuuang kumpirmadong kaso ng Covid-19 sa lalawigan.
Mayroon ngayong 97 aktibong kaso na ang pinakamarami ay sa Daet na may 47.
Sinusundan naman ito ng Vinzons na may 18, Labo 6, Talisay 6 at Capalonga na mayroong 5.
Nakapagtala naman ng 4 na aktibong kaso ang Paracale, Sta Elena 3, Basud 3, Jose Panganiban 2 at may tig-iisa ang Mercedes, San Lorenzo Ruiz at San Vicente.
Nasa 15 na rin ang nasawi mula noong Enero kaya sumampa na sa 291 ang total death toll sa lalawigan mula noong 2020.
Umaabot naman sa 4, 446 ang mga nakarekober sa sakit o 91. 97 %.
Sa isinagawang Press Conference kaninang umaga, sinabi ni Provincial Health Officer Dr. Arnel Francisco na karamihan sa mga tinamaan ng sakit at namatay ay hindi bakunado.
Kaugnay nito ay muling umapela si Francisco sa mga taga Camarines Norte na magpabakuna kontra Covid-19.
Importante umano ito hindi lang sa pansariling proteksyon kundi ng buong komunidad lalo na ang mga vulnerable sa sakit tulad ng mga matatanda at bata.
Hinimok rin ni Francisco ang lahat na gawin ang minimum health standards tulad ng pagSusuot ng face mask at iwasan ang mga matataong lugar.
