Susubaybayan ng Commission on Elections o Comelec ang pagsunod sa campaign rules ng apat na kandidatong maglalaban-laban sa bakanteng pwesto sa 7th Legislative District ng Cavite.
Sa isang pahayag, sinabi ni Comelec spokesperson John Rex Laudiangco na naka-standby na ang apat na Election Officers sa 7th District para ipatupad ang mga patakaran sa campaign material posting at common poster areas.

Bagama’t wala pang naiulat na paglabag sa kampanya, sinabi ni Laudiangco na may isa nang lumabag sa gun ban na iniulat ng Philippine National Police.
Ang special election na gaganapin sa February 25 ay naglalayong punan ang iniwang puwesto ni dating Rep. Jesus Crispin Remulla na pinangalanang Justice Secretary ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Sakop ng halalan ang mga munisipalidad ng Amadeo, Indang at Tanza at ang Lungsod ng Trece Martires.
Ang mga kandidato sa special polls ay sina Jose Angelito Domingo Aguinaldo, Melencio Loyola De Sagun Jr., Michael Angelo Bautista Santos at Crispin Diego Diaz Remulla.//CA