Ipinatawag muli ng Commission on Elections si presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., upang sumagot sa 3 disqualification cases na inihain laban sa kaniya ng iba’t-ibang grupo.
Kinumpirma ito ni Commissioner Rowena Guanzon, na namumuno sa Comelec first division.
Kasama sa mga kaso na ito ay ang inihain ng Akbayan Citizen’s Action Party; ni Bonifacio Ilagan at ng mga kasamahan nito; at ng isang Abubakar Mangelen.
Inihayag ni Guanzon sa kaniyang Facebook post na inutos na sa election officers na i-print, at personal na isilbi ang summons sa respondent na si Marcos at magpasa ng Affidavits of service.
Pinasisigurado rin ng Comelec sa provincial election supervisors at regional election director ang epektibong pagsisilbi ng summons.
