Comelec, bubuo ng komite na sisilip sa pagkandidato ni suspended Mayor Alice Guo noong 2022 national and local elections

Ipinag-utos na ni Commission on Elections (Comelec) Chairperson George Garcia ang pagbuo ng fact-finding committee para imbestigahan ang kandidatura ni suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo noong 2022 national and local elections (NLE).

Sa isang liham noong July 6, inatasan ni Garcia ang Comelec Law Departrment na bumuo ng isang komite na tutukoy kung may ginawa si Guo na material misrepresentation sa kanyang kandidatura noong halalan, na posibleng magdulot ng paghahain ng election offense laban sa alkalde.

Ayon kay Garcia, maaaring makipag-ugnayan sa National Bureau of Investigation (NBI), Solicitor General, at Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality para sa kinakailangang impormasyon sa imbestigasyon.

Pupwede rin aniyang magsagawa ng technical analysis ng mga dokumento na naglalaman ng registered voters na may pangalang ‘Alice Guo’ upang malaman ang kanyang ‘culpability’ o pagkakasala kung mayroon man.

Mababatid na noong tumakbo sa pagkaalkalde si Guo noong 2022, idineklara niyang siya ay isang Filipino citizen – bagay na kinwestyon sa pagdinig ng Senado.

Samantala, una nang sinabi ng kampo ng suspendidong mayor na hindi makadadalo si Guo sa pagpapatuloy ng hearing dahil na-trauma na ito.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *