CATANDUANES— Napabilang sa 30 finalists ng prestihiyosong Breakthrough Research Contest sa Germany ang biology professor ng Catanduanes State University na si Dr. Jimmy Masagca.
Ito ay matapos na mag qualify sa Swiss based International Union of the Conservation Of Nature – Commission on Education and Communication ang kanyang pananaliksik at pag-aaral hinggil sa “Mangroves, Aquatic biodiversity and the holding of Biodiversity Meeting (BIOME) in the province of Catanduanes.”
Batay sa ebalwasyon ng komite ng Falling Walls na siyang host ng naturang research competition, ang pananaliksik ni Dr. Masagca ay maituturing na unique at nag stand out mula sa mga pag-aaral ng iba pang scientists at researchers mula sa ibat-ibang panig ng mundo.
Dahil dito, napabilang ang guro sa 30 finalists na maaaring hirangin bilang “Science Breakthrough of the Year” ng Falling Walls, na isang international hub ng mga nangungunang siyentipiko sa mundo.
Gaganapin ang awarding ceremony sa nasabing kompetisyon ngayong ika-9 ng Nobyembre kasabay ng taunang Falling Walls Conference sa bansang Germany.###