CAMARINES NORTE- Nagabiso ang Philippine Coast Guard sa mga mangingisda na huwag na munang pumalaot dahil sa nakabanderang gale warning ng Pagasa sa karagatang sakop ng Camarines Norte.
Batay sa inilabas na Sea Travel Advisory ng Camarines Norte Coast Guard Station kaninang umaga, strong to gale force winds ang asahang makakaapekto sa karagatang sakop ng lalawigan dahil sa Northeasterly surface wind flow.
Dahil dito magiging maalon hanggang sa napakaalon ang magiging kundisyon ng karagatan na may taas ng alon na mula 2. 8 hanggang 4. 5 metro.
Kapag ganito ang kundisyon ng dagat ipinagbabawal ang paglalayag ng mga bangkang 250 gross tons pababa.
Hindi rin pinapayagan ang island hopping ng mga turista.
Simula pa kagabi ay nakakaranas na ng mahina hanggang sa kung minsan ay malakas na pag ulan ang lalawigan.
Naglabas rin ng Rainfall advisory ang Pagasa Daet Station kaninang mag aalas 10 ng umaga.
Light to moderate at kung minsan ay heavy rains ang asahang makakaapekto sa Camarines Norte, Camarines Sur, Catanduanes, Masbate at Sorsogon.
