CAMARINES NORTE- Nag abiso ang Philippine Coast Guard sa mga mangingisda lalo na ang mga maliliit na bangka na huwag na munang pumalaot.
Ito ay dahil sa nakabanderang gale warning sa karagatang sakop ng Camarines Norte simula pa kahapon.
Batay sa ipinalabas na Sea Travel Advisory ng Camarines Norte Coast Guard Station, strong to gale force winds ang asahang makakaapekto sa karagatang sakop ng lalawigan dahil sa Northeast Monsoon.
Dahil dito magiging maalon hanggang sa napakaalon ang magiging kundisyon ng karagatan na may taas na nasa 2. 8 hanggang 4. 5 metro.
Batay sa guidelines ng PCG patungkol sa movement of motorboats/vessels walang bangka ang dapat maglayag na 250 G.T. o mas mababa pa kapag ganito ang sitwasyon ng karagatan.
Kung maalala ay halos dalawang linggo na ang nakakalipas nang muling payagan ang mga bangka na maglayag dahil sa pagbuti ng lagay ng panahon.
