NAGA CITY – Dapat nakadamit ng maayos, malinis at hindi naka-tsinelas ang mga kumakayod na driver sa mga pampublikong sasakyan sa Naga City, mula sa trimobile at sa mga jeepney, ito ang muling ipinaalala ni Renne Gumba, Head ng Public Safety Office matapos na may mga reklamong nakakarating sa kanilang opisina na meron na namang mga driver ang naka-tsinelas at minsan hindi kaaya-aya ang damit na suot.
Sa panayam ng Brigada News FM Naga kay Gumba, sinabi nitong hindi naman dapat na maging guwapo, basta malinis lamang at presentable ang driver para hindi mag-reklamo sa amoy ang kanilang pasahero, na ayon sa kanya ay may ordinansa aniya ang lungsod hinggil sa proper grooming ng mga driver, kaya dapat nila itong ipatupad, na alam naman ng mga ito, sabi pa ni Gumba.
Kabilang ang mga personahe ng PSO kasama ang mga pulis ng lungsod na sisita sa mga driver na hindi tatalima sa kanilang kautusan at ordinansa.
Ang mga driver ng mga pampublikong sasakyan sa Naga City ay siyang kinukonsidera nina Gumba na pinakamahalagang “mukha” ng lungsod kaya dapat na malinis, matino at may magandang pag-uugali ang mga ito sa kanilang mga pasahero.