Chinese Embassy officials, iimbitahan ng DFA matapos ang sunud-sunod na insidente sa West Philippine Sea

Nakatakdang ipatawag ng Department of Foreign Affairs ang mga opisyal ng Chinese Embassy upang pag-usapan ang sunud-sunod na insidente na may kaugnayan sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.

Sa plenary debates ng Kamara sa 2024 proposed budget ng DFA, tinanong ni OFW Party-list Representative Marissa Magsino kung mayroon pang natitirang “diplomatic options” ang ahensya upang igiit ang sovereign rights sa WPS.

Tila nagiging “procedural formality” na lamang kasi aniya ang paghahain ng diplomatic protests ng DFA laban sa China lalo’t hindi nito pinapansin ang reklamo kahit may paglabag sa iginawad na arbitral ruling sa Pilipinas.

Kinumpirma ng sponsor na si Nueva Ecija Second District Representative Joseph Gilbert Violago na iimbitahan ng ahensya ang embahada ng Tsina upang ipabatid ang mensahe ng gobyerno kay Chinese Foreign Minister Wang Yi.

As of September 20, 2023, umabot na sa isandaan at labing-isang diplomatic protests ang naihain ng DFA laban sa mga hakbang ng China sa ilalim ng administrasyong Marcos.

Sa naturang bilang, sinabi ni Violago na ‘typical responses’ lamang ang nakukuha ng bansa kung saan hindi kinikilala ng China ang pinanghahawakang arbitral award.

24.058 billion pesos ang panukalang budget ng DFA sa susunod na taon kung saan kasama sa pagtutuunan ng pansin ang pagpapalakas sa national at economic security ng bansa.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *