Kinumpirma ni Transportation Undersecretary for Railways Cesar Chavez na umatras na ang Chinese Government sa mga loan agreements para mapondohan ang tatlong mga railway projects sa bansa.
Ayon kay Chavez, ikinukunsidera nang ‘withdrawn’ ang loans ng China matapos hindi ma-aktuhan ang mga funding requests ng nagdaang administrasyon.
Kabilang na rito ang mga rail routes kagaya ng Calamba to Bicol line, Tagum-Davao-Digos line, at Clark to Subic line.
Nagsimula aniya ang fund negotation para sa mga proyektong ito mula pa noong 2018 at aprubado na rin ng NEDA.
Sa ngayon aniya, nakikipag-ugnayan na ang DOTr sa Finance Department para maumpisahan ang diskusyon sa kapalaran ng mga proyektong popondohan sana ng China.
Natalakay na rin aniya ito sa Cabinet Meeting kung saan ay ipinag-utos ni Pangulong Bongbong Marcos na maghikayat pa ng mga investors para matutukan ang rail transport projects.
