Mariing kinondena ni House Deputy Minority Leader France Castro ang panibagong harassment ng Chinese Coast Guard sa mga Pilipinong sundalo na nakadestino sa Ayungin Shoal.
Dito ay pinagkukumpiska at sinira ng CCG ang mga suplay na dapat sana ay ipamamahagi sa mga Pilipino.
Ayon kay Castro, lalong nagiging sakim na dragon ang China na nagnanakaw at naninira ng kayamanan at resources ng mga mapayapang grupo.
Dahil dito, naniniwala ang kongresista na napapanahon nang magsama-sama ang Pilipinas at mga bansa sa ASEAN na may inaangking teritoryo sa West Philippine Sea sa pagpapatrolya sa karagatan.
Gayundin ang paghahain ng kaso sa United Nations laban sa aniya’y lumalaking halimaw bago pa magpasiklab ng madugong digmaan ang isa pa umanong halimaw tulad ng Estados Unidos.
Kasabay nito, nanawagan si Castro sa gobyerno na manindigan laban sa agresibong hakbang ng China at makipagtulungan sa mga kapitbahay na bansa sa ASEAN upang protektahan ang soberanya ng rehiyon.
Ang hindi pa nito matanggap bukod sa pagkumpiska sa mga pagkain at iba pang essential supplies ay ang pagharang sa medical evacuation ng mga sugatang sundalo.