Hindi naniniwala si dating Speaker at Taguig-Pateros Representative Alan Peter Cayetano na kinakailangan ang martial law para mawakasan ang korupsyon sa bansa.
Inihayag ito ni Cayetano ilang araw matapos sabihin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa huli nitong State of the Nation Address na kinakailangan ang isang emergency measure para mabago ang sistema sa korupsyon
Ayon kay Cayetano, bagamat sinusuportahan niya ang Pangulo, ay hindi ibig sabihin na iniisip niya na tama ang lahat ng ginagawa nito.

Ipinunto ng kongresista na nagawa naman ni Lee Kuan Yew noon na tanggalin ang korupsyon sa Singapore na hindi nangangailangan ng martial law.
Sinabi ng mambabatas na maraming beses nang napatunayan sa iba’t-ibang bahagi ng mundo na pwedeng mawakasan ang korupsyon sa pamamagitan ng mga prinsipyo, sistema, programa, at batas at pwede itong i-adopt ng Pilipinas.
Matatandaan na sinabi ng Pangulo na walang makapipigil sa korupsyon hangga’t hindi nagkakaroon ng overhaul sa gobyerno.