Nagpapatuloy pa rin ang pagtaas ng aktibong kaso ng COVID-19 sa lunsod ng Cauayan dahilan upang mananatiling sasailalim ito sa General Community Quarantine hanggang August 31, 2021.
Ito ang inihayag ni Cauayan City Mayor Bernard Dy sa kaniyang public address ngayong araw, August 11, 2021.
Aniya, batay sa datos ng Cauayan City Health Office noong August 10, 2021 ay umakyat na sa 172 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa lunsod kung saan 83 dito ay mula sa Minante 1.
Kaugnay dito, sa naitalang 83 na kaso na naitala sa Brgy. Minante 1, 79 sa mga ito ay nagmula sa Regional Training Center 2 (RTC2).
Tiniyak naman ng alkalde na kasalukuyan nang naka-isolate ang mga trainees ng RTC na nagpositibo at nakasailalim na ito sa calibrated lockdown.
Habang 16 naman sa mga positibo ang naka-admit sa mga pampubliko at pribadong hospital sa lunsod, 5 ang nasa balay silangan, 17 ang nasa ISU at 70 ang nakastrict home quarantine.
Dagdag pa ng alkalde, 29 mula sa 65 na barangay sa lunsod ang mayroong aktibong kaso ng COVID-19 sa kasalukuyan.
Batay aniya sa datos ng CHO karamihan umano sa nagpopositibo na indibidwal ay 21-30 anyos.
Nilinaw naman ni Mayor Dy na wala pang kaso ng delta variant sa siyudad habang hinikayat naman nito ang publiko na sumunod sa ipinapatupad na minimum public health standards upang hindi na lumobo pa ang kaso ng COVID-19.