Sumampa na sa 38 ang naitalang casualties sa buong Bicol Region dahil sa pananalasa ng Bagyong Kristine.
Sinabi ni PRO-5 Regional Director Police Brigadier General Andre Perez Dizon sa panayamng Brigada News FM Legazpi na 26 dito ang mga namatay, siyam ang injured, habang tatlo naman ang nawawala.
Aniya, pinakamaraming naitalang pagkamatay sa Naga City na umabot sa 11, sinundan ito ng Catanduanes na may lima, apat sa Albay, tigdalawa sa Camarines Sur at Camarines Norte, habang parehong tig-isa naman sa Sorsogon at Masbate.
Kinumpirma rin ni Dizon na mayroon pang mga residente sa ilang mga lugar sa Camarines Sur na nananatili sa bubungan ng bahay dahil hindi pa nare-rescue.
Ito umano ay dahil sa kakulangan ng mga floating assets, pero tiniyak naman niya na ngayong araw ay may mga paparating na rubber boats at rescuers.
Samantala, siniguro rin ni Dizon na patuloy ang isinasagawang search and retrieval operation sa mga nawawala pati na rin ang relief operation sa mga biktima ng nasabing bagyo. (WITH REPORTS FROM ALYZZA BALLON – 91.5 BNFM LEGAZPI)