CAMARINES NORTE- Tutulong ang Camarines Norte Electric Cooperative (CANORECO) upang maibalik agad ang kuryente sa Bohol na isa napuruhan malakas na bagyong Odette.
Ito ang kinumpirma ni General Manager Zandro Gestiada sa text message sa Brigada News FM Daet.
Ayon kay Gestiada, isang team na binubuo ng isang boom truck at limang technical personnel ang ipapadala ng Canoreco para tumulong sa Bohol Electric Cooperative (BOHECO).
Nakatakdang tumulak ang grupo mamayang hapon.
Isa lamang ang Canoreco sa ilan pang electric cooperative sa bansa na tutulak sa lugar na labis na naapektuhan ng bagyong Odette bilang bahagi ng Task Force Kapatid.
Ang Task Force Kapatid ay grupo ng mga electric cooperative na tumutulong sa agarang pagbalik ng serbisyo ng kuryente sa mga kapwa electric cooperative na tinamaan ng matinding sakuna gaya ng bagyo.
Ang National Electrification Administration o NEA, katuwang ang Philippine Rural Electric Cooperatives Association o PHILRECA, ang siyang nangunguna sa pag-organisa nito at sa deployment kung saang mga lugar ang nangangailangan ng tulong pagdating sa power restoration.
Mahalagang agarang maibalik ang serbisyo ng kuryente na makakatulong ng husto sa pagbangon ng mga residente at industriya na nawalan ng kabuhayan.
Ilang electric cooperative din ang nauna nang nagpadala ng team para tumulong sa agarang pagbabalik ng suplay ng kuryente sa mga lugar na matinding sinalanta ng bagyo.
