CAMARINES NORTE- Kumpiyansa ang Camarines Norte Electric Cooperative na hindi magkakaroon ng kakulangan ng suplay sa kuryente sa mga susunod na araw.
Ito ang inihayag ni General Manager Zandro Gestiada sa pagharap nito sa regular na sesyon ng Sangguniang Panlalawigan nitong Martes, June 13 .
Ayon kay Gestiada batay umano sa kanilang monitoring sa Department of Energy ay wala naman daw nababanggit na posibleng kakulangan sa suplay.
Nangyayari lang umano ang problema sa suplay ng kuryente kapag mayroong outages ang mga malalaking planta kaya nagkakaroon ng mga alert status.
Tugon ito Gestiada ng matanong ng isang miyembro ng SP ukol dito.
Matatandaan na nitong mga nagdaang araw ay nakaranas ang lalawigan ng tinatawag na Automatic Load Dropping o ALD.
Ito ang proseso ng awtomatiko at sadyang pag-aalis ng mga pre-selected load mula sa isang Power System bilang tugon sa isang abnormal na kondisyon upang mapanatili ang integridad ng buong system.
Biglaan ang pag-alis ng suplay ng kuryente sa isa o ilang probinsya dahil sa biglaang pagbaba at hindi pag sapat ng suplay ng kuryente sa Power Grid.
Wala itong paunang abiso mula sa NGCP dahil ito ay biglaan at hindi inaasahan.
