Campus journalists sa Naga City nakaranas umano ng harassment sa miyembro ng AFP

NAGA CITY- Sa gitna ng kaliwa’t-kanang kilos protestang nangyari sa buong bansa sa kasagsagan ng ika-51 anibersaryo ng Martial Law nitong Huwebes, September 21, 2023, nakaranas umano ng harassment ang mga campus journalist sa syudad ng Naga sa ilang myembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Ayon sa ulat, nilapitan ng AFP ang mga estudyante, kinunan ng impormasyon at larawan nang walang pahintulot, at kinapanayam tungkol sa kung paanong nagiging bahagi ng komunistang grupo ang mga aktibista. Hinimok rin umano ng AFP na maging kasapi ng militar ang mga estudyante.

Nagkasagutan ang dalawang panig na humantong sa hindi pagkakaintindihan. Matapos ito, kinaumagahan, nakatanggap ang dalawang estudyante ng sulat mula sa kani-kanilang barangay na humihiling na magtungo sila sa barangay hall upang makipagdayalogo sa mga myembro ng militar at opisyal.

Sa naging pahayag ni Major Frank Roldan, Division Public Affairs Office Chief ng 9th Infantry Division, Philippine Army, sinabi nitong ang tanging layunin lamang ng pakikipag-usap ng kanilang grupo sa dalawa ay upang maayos ang naging hindi pagkakaunawaan hindi upang tahasang magbigay ng takot o intimidasyon sa mga ito.

Nilinaw rin ng opisyal na hindi nila itinuturing ang mga estudyante na mga aktibista o bahagi ng mga komunistang grupo.

Taliwas naman dito ang naging pahayag ng umano’y biktima at punong patnugot ng isang pang-unibersidad na pahayagan, ayon sa kaniya may mga pumuntang militar sa kanilang barangay at pinaghahanap siya gamit ang kaniyang larawan.

Nagpapatuloy naman ang masusing imbestigasyon ng local na gobierno ng syudad ng Naga at 9th Infantry Division, Philippine Army upang malaman ang iba pang detalye at masiguro ang kaligtasan ng mga estudyante at campus journalist at mapanagot ang tunay na may sala.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *