CAMARINES NORTE- Mananatili ang lalawigan ng Camarines Norte at apat pang probinsiya Bicol sa COVID- 19 Alert Level 2 hanggang sa katapusan nitong buwan.
Batay ito sa desisyon ng Inter Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases o IATF.
Gayunman, niluwagan na rin ng Incident Management Team ang restriction sa lalawigan kahit nasa ilalim pa rin ito ng Alert Level 2.
Kabilang nga sa naunang pagluwag ay ang pagtanggal sa curfew hours na nagsimula noong March 15, kasabay ng araw kung kailan inaprobahan ng IATF ang bagong Alert Level na susundin sa buong bansa.
Una nang ipinaliwanag ni Provincial Health Officer at Incident Commander for Health Dr. Arnel Francisco na mababa pa sa ngayon ang immunization coverage sa lalawigan.
Aniya kabilang sa criteria ng pag de- escalate ng Alert Level ay ang immunization coverage.
Sa ngayon ay nasa 53 percent pa lang ng target na mahigit 600,000 population ang nababakunahan.
Kailangan umano ay nasa 70 percent na ang immunization coverage lalo na sa mga kabilang A2 priority group o senior citizen.
Ang criteria daw kasi para ibaba sa Alert Level 1 ang isang lugar ay dapat 70 percent na ang immunization coverage.
Dapat din umanong nasa 70 percent na ang mga nabakunahan na senior citizen.
Sa ulat ng Department of Health pang apat ang lalawigan sa mga mababa pa ang immunization coverage isang taon ngayon makaraang simulan dito ang COVID- 19 vaccination.
Pero kahit nananatili sa Alert Level 2 ang lalawigan ay kapansin- pansin ang tila balik sa dating normal na pamumuhay.
Unti- unti na ring nabubuhay ang pang gabing mga negosyo dahil sa pagluluwag.
